Patagal ng patagal, natutuyo na utak ko sa kagagawa ng title sa mga kwento ko. Kaunti nalang to. Hayaan niyo.
Linlang
“May boyfriend po kasi ako” Matapos kong masabi yon, nakaramdam ako ng takot sa kung anong pwedeng maging reaksiyon ni papa. Naisip ko nun na dapat na akong bumaluktot para ihanda ang aking katawan sa mga matinditinding latay ng makapal na sinturon ni papa. Pero ang inaasahan kong magiging marahas na kaganapan ay hindi nangyari. Tumahimik ang tatay ko ng ilan lamang sandali at nagtanong na tungkol sa lalaki with poker face. Hindi mo masasabing galit ang tatay ko noon o siguro bata kami noon kaya hindi namin alam kung nagpapanggap lang ang isang tao. Isang tanong ni papa na hindi ko malimutan eh yung “Ano commitment niyo sa isa’t isa?” at hindi malilimutang sagot .. “Pa, anong commitment?” Putris! Pumasok ako sa isang relationship nang hindi alam yan. Tao ba ako? O sadyang wala pa akong muwang that time? Pareho siguro. Natapos ang pag-uusap ng maayos. Hindi ko agad naibalita sa aking first love ang mga nangyari dahil hindi parin ibinalik ang phone namin dahil nga sa may pasok kami kinabukasan. Pero ang nakakatuwa noon na naaalala ko eh yung pinayagan ako ng tatay ko magtext sa boy friend ko. “Oh text mo muna siya, sabihin mo kunin ko muna phone mo..” Pero baka wala akong load noon. Hindi ko alam. Basta! Hindi ko nasabi! Natupad na yung gusto ng aking nobyo na maging legal kami sa side ko, na noon ay kinakalungkot ko dahil hindi ko maibigay sa kaniya dahil wala akong lakas ng loob para sabihin sa mga magulang ko ang mga bagay bagay dahil tingin ko sa kanila mga liyon na any time kakainin ako. At isang pasasalamat ang gusto kong iparating noon sa aking kambal. Hindi ko nga lang maalala kung nagpasalamat ng talaga ako. Isang magandang tulog ang handog nito sakin.
Magandang tulog eh pero ang paano ang paggising? Tignan natin. Inuga ako ng kung sinong kasama namin sa bahay noon. Inalog ako hanggang sa magising. Napadilat na ako at sabay sabi ng kasama sa bahay “Gusto ka daw kausapin ni mama mo.” Pumasok ang nanay ko at isang malakas na sampal ang gumising sa akin. *PAK* Hindi naman gaano masakit pero isang pampagising talaga, na halos muntikan ako mahulog sa kama. Mabuti nalang at naitungkod agad ang aking mga paa. “Ano yung sinasabi ng papa mo na may boyfriend ka na?” … “Po? Opoo” Hindi ko mawari ang sagot ko noon. Dapat gising na ako noon sa sampal niya pero para parin akong nanaginip. Ang akala kong magiging magandang araw pero hindi. “Alam mo bang umiiyak ang papa mo magdamag?!” Ito ang aking kinagulat. Nalinlang ako ng aking itay. Akala ko okay lang sa kaniya ang lahat, hindi pala. Naging madilim ang umaga para sa akin. Walang hupay ang aking luha noon. Nagawa ko pa ngang lumuhod sa harap ng tatay at nanay ko habang nagmamakaawang huwag ng pumunta sa school. Natatakot ako noon na puntahan niya ang aking nobyo na wala pa ngang alam sa totoong nangyari. Humahagulgol. Para akong isang batang pinapalo sa puwet. Takot na takot ako noon. At nadurog nang sinabi ng nanay kong “Makipaghiwalay ka sa kaniya!” … “Opo! Basta wag lang kayo pumunta sa school”
|